Wednesday, July 28, 2010

Mga Hugis sa aking Paningin

Paunang Salita

Tunay na hindi nahihinto ang paghahanap ng mga turista/manlalakbay sa mga lugar na bago sa kanilang mga mata. Ginagawa nila ito upang mapunan ang kanilang pagkauhaw na makasaksi ng bago at kabigha-bighaning lugar at makadama ng kakaibang kasiyahan kahit karampot na sandali lamang. Tila isang mabisang gamot upang maibsan ang kanilang mga pagod na katawan at isipan bunga ng mabilis na takbo ng modernong buhay. Kasiyahan ng kalooban pisikal at ispiritwal, bagong pagkakaibigan, pagtuklas ng mga bagong karanasan, pagsaksi sa mga kahanga-hangang lugar, pagkilala at pagpapahalaga sa kalikasan: ito na yata ang “paraiso” sa bagong panahon.

Ang mga gawain tulad ng backpacking, bouldering, birdwatching, trekking, trail running, mountaineering, rock climbing, rappelling, mountain biking, spelunking, kayaking, rafting, nature photography ay ilan lamang sa lubhang maraming libangan ng makabagong panahon na nangangailangan ng natural na kapaligiran. Tanging ang mga kanayunan lamang ang angkop na tutugon sa pangangailangan ng mga gawaing ito. Kung kaya ang nararapat na kaalaman, pag-unawa at paghahanda ay dapat maisakatuparan. Ang tamang pagtanggap sa makabagong gawaing ito upang makagawa ng maayos na programa ng pangangasiwa ay kinakailangan. Ang ating pangunahing kalakal ay ang ating lugar at ang ating komunidad. Ang kalidad ng ating kapaligiran at ng mga taong naninirahan dito ang siyang makapagtatakda ng mga oportunidad at tuluyang magkaroon ng pakinabang pangkabuhayan. Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga makabagong gawaing naturan kasabay ng angkop na pakikipamuhay at pangangalaga sa kalikasan ay dunong na maipagmamalaki na makapagdudulot pakinabang. Ang kamalayan sa makabagong kaganapang ito ang mag-aalpas din sa atin sa gapos ng kamangmangan at matututong makisalamuha sa mga taong panauhin. Hindi lamang sa pagsasaka mapakikinabangan ang ating mga kabukiran.

Maitatangi ang ating lugar dahil sa mayamang natural na kapaligiran nito. Mga kabundukan, lawa at mga ilog ang ating kayamanang pwedeng maipagmalaki sa iba. May maayos na daanan patungo sa lugar natin mula sa mga sentro ng kabihasnan na mabilis na makapaghahatid sa sinumang nagnanais pumunta. Dahil dito, ang udyok ng mga kaganapan upang maging isang destinasyon ng mga makabagong libangan ay abot-kamay nang naghihintay sa atin. Kung hindi man abot ng ating pansin at hindi man gawin ang nararapat na paghakbang ukol dito, ay hindi na rin naman mapipigilan ang pagsulpot ng mga taong naghahangad makasulyap sa kapaligiran natin. Padating na ang mga gawaing ito sa ating mga lugar. Hindi na maiiwasan……..hindi na maipagpapaliban. Marapat lamang na magkaroon ng akmang paghakbang ukol dito.


Ano ang Eko-turismo?

Uri ng turismo na ang mga itinuturing na atraksiyon ay ang mga lugar sa kanayunan, kabundukan , kagubatan, ilog, lawa, dalampasigan o karagatan na may angking magagandang natural na yaman (flora and fauna) at mga nakabibighaning katangian o tanawin kasama ang lokal na kultura ng mga taong naninirahan dito.

Ang responsableng ekoturismo ay may layong makapaglinang ng tamang kamalayan at pangangalaga ng lugar atraksiyon mula sa nagbabantang pagkasira ng natural na kalagayan nito dahil sa maling kaalaman at paggamit ng mga tao. Gayundin naman ang mapanatili at malinang pa ang lokal na kultura ng lugar at patuloy na maisabuhay ng mga lokal na naninirahan sa kabila ng banta ng modernisasyon.

Sa prinsipyo ng responsableng ekoturismo naglalayon ding bumalangkas ng komprehensibong programa upang maging daan para mapaunlad ang kabuhayan ng mga lokal na naninirahan dito.

Hindi lamang ang lugar ang dapat maging atraksiyon sa ekoturismo kungdi pati na ang mga gawi at kultura ng mga taong naninirahan dito.

Ayon sa International Ecotourism Society, ang prinsipyong dapat isaalang-alang sa responsableng ekoturismo ay ang mga sumusunod:
Maprotektahan ang pagkasira ng natural na ganda ng lugar at kultura ng mga tao
Mapaunlad pa ang kamalayan ng mga tao para maproteksiyonan at mapanatili ang ganda ng lugar at kultura

Ang resulta ng mabuting programang pang-ekoturismo ay makapagbibigay kasiyahan sa mga panauhin gayundin sa mga taong naninirahan sa lugar atraksiyon.
Ang mga panauhin ay direktang makapagbibigay tulong para sa pagpapalaganap pa ng kamalayan sa pagpapanatili at pangangalaga ng programang pangekoturismo

Sino ang mga taong panauhin na tinutukoy sa mga lugar pang eko-turismo?

Mga taong may kamalayan o kalinangan sa mga lugar na may natural na yaman ang mga nagnanais at may masidhing kagustuhang pumunta sa mga naturang lugar. Sila ang mga taong may pagpapahalaga sa ating kapaligiran at may mithiing maprotektahan o mapanatili pa ang ating mga likas na yaman.

Sa paglipas ng panahon, naging bukambibig ang salitang ekoturismo at naging palasak ito kung saan nagkaroon ng pagkakataong magpakilala ng mga lugar atraksiyon pang turismo. Subalit sa pagpapalaganap ng turismo sa mga lugar ay hindi sapat na naisakatuparan ang lahat ng prinsipyong nakapaloob sa tunay na kahulugan ng ekoturismo. Ang ekoturismo ay naging kahalitulad na lamang ng konbentional na layon ng turismo.

Sa pagpapatuloy pa ng kalakaran ay umusbong ang ilan pang terminolohiyang mas angkop na tumutukoy sa mga pagkakakinlanlan at pagkakaiba ng uri turismo hango sa ilang layon ng Ekoturismo. Ilan sa mga ito na unti-unti nang nagiging popular ay ang, Nature-based tourism at Adventure Sport tourism.


Ang Nature-based Tourism

Uri ng turismo na tumutukoy sa paghahalina sa mga taong makabisita sa magagandang tanawin kasama na rin ang mga pagpapamalas sa mga magagandang halaman at bulaklak pati na rin ang mga hayop na nasa lugar. Ang ilang mga halimbawang halaw sa mga napakaraming pagkakakilanlan ng Nature-based tourism ay ang mga sumusunod:

Hiking/Trekking
Camping/Backpacking
Mountaineering
Bird watching
Recreational Fishing
Nature Photography
Educational Tours
Visiting natural parks

Ang mga ganitong uri ng gawain ay hindi lamang maituturing na libangan kundi malaking pangkabuhayang oportunidad kung malalapatan ng angkop na programa at pangangasiwa.

Ang Nature tourism ay ang pagbisita sa mga natural na lugar na nakapagdudulot ng dagdag kaalaman patungkol sa ating kapaligiran at sa kultura ng mga taong naninirahan dito habang nakapagdudulot din naman ng kabuhayan sa lokal na komunidad. Ang mga Nature tourists ay ang mga bisitang naglalaan ng kanilang oras at salapi sa pagsasagawa ng mga gawaing hindi na nila pangkariwang nararanasan sa kani-kanilang mga lugar bunga ng sibilisasyon.

Sa nature tourism, nagagalak ang mga bisita na makasaksi hindi lamang ng mga magagandang tanawin kundi mga kakaibang bagay at kagawian ng mga taong naninirahan. Mga produktong ani sa lugar, mga bungang kahoy, mga pagkaing hindi pa natitikman, mga kasootan, kagawian, mga local na pagdiriwang at mga ritwal ng mga taong naninirahan. Ang paraan ng pagsasalita (punto o intonasyon) ng mga tao ay dagdag ding pagkakakilanlan at silbing katangian na nakabibighani para sa mga bisita.

Sino ang mga taong panauhin na tinutukoy sa Nature-Based Tourism?

Ang pangunahing panauhin na tinutukoy ay ang mga taong may pagkilala sa ating kapaligiran at likas na yaman. Ngunit hindi nililimitahan sa mga naturang katangian ng tao ang maaaring maging panauhin. Kahit sino ay potensiyal na panauhin sa nature tourism. Sa kasalukuyang kalakaran, sa unti-unting paglaganap ng popularidad ng mga magagandang lugar sa Pilipinas, lumalago na rin ang bilang ng mga taong panauhin sa mga lugar atraksiyon. Bunga nito, sinumang maaaring mayroong interest sa kalikasan pati na rin ang mga taong may kakaunti o walang kamalayan sa kagandahang dulot ng likas na yaman ay bukas na makabibisita sa mga lugar atraksiyon. Sa pagbubukas ng pinto para sa turismo, wala nang taong pinipili upang makarating atmamalas ang mga lugar atraksiyon. Kaya naman, ang paglalapat ng isang angkop na programa upang pangisawaan at maayos na maipatupad ang tamang pagpapakilala sa mga lugar atraksion habang kasabay ding nangangalaga at nangunguna sa pagmumulat sa mga panauhin ng pagpapahalaga at pangangalaga sa ating kapaligiran ang kinakailangan.

Ano ang mga ninanais ng mga panauhin sa Nature-based Tourism? Anu-anong bagay ang nakakapagbigay kasiyahan sa kanila sa pagpunta nila sa mga lugar atraksiyon?

Marami kung tuturan ang mga bagay na nakakapagbigay kasiyahan sa mga panauhin sa mga lugar atraksiyon. Ang mga ito’y umaayon sa personal na katauhan ng bawat panauhin. Ngunit ang lahat ng mga dahilan ay maaaring isabuod sa isang kaisipan lamang: “Mga lugar, bagay at pagkakataong bihira o hindi nila nararanasan at nararamdaman sa kanilang pangkaraniwang pamumuhay”. Samakatuwid, malaking posiyento ng mga panauhing maaaring matukoy sa mga lugar pang-eko-turismo ay ang mga taong taga-lungsod o mga taga ibang lugar, nasyonal o maging internasyonal kung saan hindi nila nararanasang mamasyal o pagpalipas ng panahon at makipamuhay o makisalamuha sa lugar atraksiyon at mga lokal na tao nito.

Pagsasalarawan:

Isang bisitang backpacker ang isang araw ay naligaw sa isang nayon. Sa kanyang paglalakad may nasalubong siyang lalake at nagtanong:

backpacker: “magandang araw po, maaari nyo po bang ituro sa akin kung saan ako maaaring pumunta mula dito?”
lalake: “depende kung saan mo gusto pumunta…….”
backpacker:eh………………. Hindi po ako taga rito. Hindi ko po alam kung saan ko gusto pumunta………….bahala na lang po………”
Lalake: “Ah…e, di……….bahala ka na rin siguro kung saan mo gusto dumaan.”

Ang kwento ay maaaring nangyari na, nangyayari o mangyayari pa sa ating mga lugar. Sa pag-anyaya ng turismo sa ating lugar, ang pangangailangan ng direksiyon na tutukoy sa mga uri ng pangangailangan ng bawat bisita ang kinakailangang mabalangkas upang maging kasiya-siya ang pagbisita ng bawat panauhin. Kasabay na balangkasin ang mga panuntunan ng pangangalaga sa kapaligiran, pagpapanatili ng kalinisan at magandang pakikisalamuha ng mga tao sa isat-isa upang mapangalagaan din naman natin ang lugar atraksiyon sa mga panauhing maaaring may kakaunti o walang pagpapahalaga sa kaayusan, kagandahang asal at pagmamahal sa kapaligiran.


Ang Adventure Sports Tourism
(Outdoor recreational Sports)

Ito ang uri ng mga napapanahong libangang pampalakasan na kalimitang ginaganap sa mga kanayunan kabundukan, kagubatan kasama na rin ang mga ilog, lawa, dalaampasigan o karagatan. Ilan sa mga halimbawa ng mga libangang pampalakasan na patuloy na nagiging popular sa bansang Pilipinas ay ang mga sumusunod:

Mountaineering
Mountain biking
Trail running
Bouldering
Rock/wall climbing
Rappelling
Spelunking o caving
River trekking
Rafting
Kayaking
Surfing
Snorkeling
Diving
Adventure Racing


Sino-sino naman ang mga taong tinutukoy sa Adventure Sports tourism (Outdoor recreational Sports) ?

Sila ang mga indibiduwal o mga taong kaanib sa mga organisasyong nagsasagawa ng mga libangang pampalakasan na tinukoy. Hindi tiyak kung ang mga indibiduwal na ito o mga kaanib ng organisasyon ay may kaalaman sa pangangalaga ng ating kalikasan.

Ano naman ang mga ninanais ng mga panauhin sa lugar pang Outdoor recreational Sports Tourism? Anu-anong bagay ang nakakapagbigay kasiyahan sa kanila sa pagpunta nila sa mga lugar atraksiyon?

Ang kasiyahang dulot ng libangan ang unang nais ng mga taong tinutukoy. Ang pakikipagniig sa kalikasan habang isinasagawa ang kanilang libangan ay isa pang tanging dahilan ng mga tagapagtaguyod ng outdoor recreational sports. Tulad ng mga panauhing tinutukoy sa nature-based tourism, ang bawat indibidual ay may sari-sariling interpretasyon at uri ng kasiyahan nararamdaman sa pagpunta at pagsasagawa ng kanilang libangan.

Mga Typikal na Pangangailangan ng mga Adventure Sports Tourists:


Lugar himpilan – isang lugar na may ilang silya at mesa na mapaglalagyan ng mga kagamitan.

Palikuran

Kagawian ng mga Adventure Sports Tourists sa lugar atraksiyon:

Bago magsimula ang gawain:
Maghanap ng lugar himpilan kung saan aayusin ang kanilang mga kagamitan bago magsimula ang gawain.
Magrehistro at sumulat sa logbook na ibinibigay ng nangangasiwa sa lugar atraksiyon.
Maghanap ng makukuhanan ng tubig-inumin.
Maghanap ng lugar na makakainan bago umpisahan ang gawain.


Pagkatapos ng gawain:
Maghanap ng lugar himpilan para muling ayusin ang mga kagamitan.
Gumamit ng Palikuran.
Gumamit ng Paliguan.
Kumain at uminon.
Maghanap ng lugar pagkakakilanlan at kumuha ng mga larawan bilang alaala sa pagbisita sa lugar.
Maghanap ng mga bagay/pagkain na pwedeng pasalubong sa pamilya.



Mga adhikain sa pagsasakatuparan ng pagpapaunlad ng turismo (Nature-based at Adventure Sport) sa lugar kanayunan.

Malinang ang mga katangi-tanging lugar o mga lugar pagkakakilanlan at maipamalas ito sa mga panauhin.

Makabalangkas ng programang tutugon sa pangangailangang panturismo na may pagsasaalang-alang sa mga isyu ng pagpapanatili ng natural na kaayusan ng lugar at paglinang/pagtatanghal sa kultura ng mga taong naninirahan.

Maging kawili-wili sa mga bisita ang pagpunta sa lugar

Makapagdulot ng pakinabang sa kumunidad at makapagbigay ng dagdag na kabuhayan sa mga naninirahan dito

Mapanatili ang natural na kagandahan ng lugar sa kabila ng pag-usbong ng kalakarang pangturismo

Makabalangkas ng angkop na panuntunang makapangangalaga sa tamang pagpapanatili ng kalikasan, kalinisan ng lugar at disiplina ng mga tao, maging bisita man o ang mga lokal na naninirahan dito.

Maayos na kasunduan ng pamunuan at tagapangasiwa ng programa sa mga may-ari ng lupang kinalalagyan ng lugar atraksion.

Kaligtasan ng lahat sa pagsasagawa ng programang pangturimo


Mga dapat isaalang-alang sa pagbabalangkas ng programang pangturismo :

Paano makapaglilinang ng mga lugar atraksiyon?
Paano magkakaroon ng maayos na pakikipagunawaan at kasunduan sa mga may-ari ng lugar atraksion?
Paano mapapanatili ang natural na kundisyon at kagandahan ng lugar?
Kailan dapat ihanda ang mga lugar atraksiyon para sa mga panauhin?
Paano makikisalamuha o makikipamuhay ang mga lokal na naninirahan sa mga panauhin ng mga lugar atraksiyon?
Komersiyalismo sa lugar atraksiyon: masama ba o mabuti?
Paano itutugma ang komersiyalismo sa lugar habang pinapanatili ang natural na kalagayan ng mga lugar atraksiyon?
Mga Istraktura sa mga lugar atraksiyon.
Programa sa Basura
Pagprotekta at Pagpapanatili ng kagandahan ng lugar
Pagpapalaganap o pagpapalatastas tungkol sa mga lugar atraksiyon.
Sino ang mga taong mangangasiwa sa pagpapatupad ng programa
Sinu-sino ang mga taong makikinabang sa programa



Ebalwasyon ng mga taong direktang makikisalamuha sa mga panauhin sa pagsasagawa ng programa:

Kaya ba nating makisalamuha sa ibat-ibang uri ng dayuhang panauhin?
Kaya ba nating masayang magsilbi sa mga panauhin?
Meron ba tayong sapat na kaalaman sa lugar pagsisilbihan?
Meron ba tayong kaalaman sa mga bagay- libangan ng mga bisita?
Meron ba tayong kaalaman sa kagamitan na ating gagamitin para sa mga bisita?
Kaya ba nating magsilbi sa mga bisita lampas sa itinakdang sandali ng kanilang pananatili sa lugar kung kinakailangan?


Anu-anong mga bagay ang dapat ihanda ng mga taong lokal na naninirahan malapit o sa nasasakupan ng mga lugar atraksiyon?

1.Magkaroon ng kamalayan at kalinangan sa mga maaaring maging lugar atraksiyon sa inyong barangay.

2.Gumawa ng mga mabuting impresyon o magandang katangian ng lugar para sa mga panauhing maaaring pumasyal

a.Kalinisan ng buong paligid ay mahigpit na ipatupad
b.Magtalaga ng mga taong haharap sa mga panauhin
c.Magandang pakikitungo ng lahat ng lokal na naninirahan sa mga panauhin
d.Ang mga lumang kwentong barangay at mga alamat ay makakapagbigay ng malaking interest sa mga panauhin.
e.Ang mga lokal na produkto at kakanin pati na rin ang lokal na pagdiriwang ng
lugar ay may malaking puwang upang itanghal sa mga panauhin

3.Magkaroon ng mithiing maipadama sa mga panauhin ang kagandahan ng lugar at ng mga tao nito upang sa muli’t-muli ay bumalik sila sa lugar.

4.Magkaron ng mga kapasyahang barangay na tutukoy sa mga patakaran ng pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng lugar.

a.Ang pagkakaroon ng “curfew” sa mga lugar atraksiyon at mga karatig pook
b.Ang pagpapatupad ng katahimikan sa mga lugar atraksiyon at mga karatig pook pagsapit ng takdang oras sa gabi.
c.Ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga inuming nakalalasing.
d.Ang pagkakaroon ng mga taong agad na sasaklolo sa oras ng “emergencies”

5. Magkaroon ng angkop na patakaran sa mga lokal na naninirahan upang makontrol at maiwasan ang lubhang komersiyalismo sa mga lugar atraksiyon. Bagamat komersiyalismo ang siyang magiging daan upang magkaroon ng pangkabuhayang oportunidad ang mga naninirahan sa lugar. Kinakailangan namang matukoy at magkaroon ng maliwanang na limistasyon o hangganan sa pagsasakatuparan ng komersiyalismo sa lugar.

Mga halimbawa:

Ipinagbabawal ng batas ang pagkuha ng “flora at fauna” …….
Paglalagay ng mga istraktura sa loob, tabi o malapit sa mga lugar atraksiyon na makasisira sa natural na anyo nito.

Angkop na paggamit ng elektrisidad sa mga lugar atraksiyon.

6 Magkaroon ng comprehensibong “development planning” sa lugar atraksiyon na may malinaw na kapahintulutan sa pagitan ng tao o pamilyang may-ari ng lugar at ng lokal na pamunuan. Isang kasunduan o memoranda ang kailangang malinaw na tumutukoy sa mga hangganan ng kasunduang ipatutupad. Bagamat ang pahintulot ng may-ari ng lugar ang makapagbibigay puwang sa programang pang-turismo, ang pagsasa-alang-alang sa kaayusan at pangangalaga sa kalikasan ang sadyang pangunahin sa pagpapatupad ng programa.

7.Magkaroon ng programa na ipatutupad para sa Solid waste management.

8.Magkaroon ng tala ng lahat ng mga panauhin at ang mahahalagang impormasyong pagkakakilanlan ng mga ito.

9.Maging handa at magkaroon ng sapat na kaalaman kung paano malalapatan ng tulong ang mga panauhin sa oras ng sakuna.